Pormal nang inilunsad ngayong araw ng Schools Division Office ng Cauayan City ang Brigada Eskwela 2021 na may temang “Bayanihan para sa Paaralan, Focusing Brigada Pagbasa Program” at magtatagal hanggang September 30, 2021.
Batay sa pagsasalita ni Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru Jr., ang naturang aktibidad ay alinsunod sa DepEd Memorandum No. 48 series of 2021 kung saan kinakailangang ilunsad maging ang mga aktibidades at programa ng Kagawaran ng Edukasyon.
Aniya, magkakaroon din ngayong araw ng simultaneous kick off ng Brigada Eskwela 2021 sa 79 na paaralang sakop ng SDO Cauayan City.
Ayon pa kay Dr. Gumaru, nakatuon ngayon ang Brigada Ekswela 2021 sa implementasyon ng Brigada Pagbasa Program na malayo sa nakaugalian noong wala pang pandemya na paglilinis sa mga paaralan ng mga guro at magulang.
Kaugnay dito, tutukan aniya ang mga mag-aaral na hirap pa sa pagbasa bilang paghahanda na rin umano sa pasukan ng S.Y 2021-2022.
Sa ganitong paraan aniya, mahihikayat parin ang mga estudyante na mag-aral bagaman wala pang face-to-face class at magpapatuloy pa rin ang distance learning.
Hinikayat din ni Dr. Gumaru ang kooperasyon ng mga magulang sa naturang programa hanggang sa sila ay magtapos upang maibigay parin sa mga mag-aaral ang tamang edukasyon.