KORONADAL CITY — NASA isang isolation facility na sa lungsod ng Koronadal ang isang Covid-19 positive na una nang naiulat na tumakas mula sa isang isolation facility sa Metro Manila upang maka-uwi sa lungsod.
Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay City Health Officer Dr. Edito Vego, nilinaw nito na hindi tumakas mula sa isolation ang pasyente sa halip, umuwi ito ng lungsod kahit alam nitong na positibo siya sa Covid-19 dahil may namatay sa kanilang pamilya.
Upang maka-sakay sa eroplano mula Manila papuntang General Santos City, ‘pinotoshop’ umano nito ang kanyang “positive” Covid-19 swab test result at ginawang negative.
Sinabi ni Vego na agad namang nakipag-ugnayan sa kanila ang mga health workers na naghanap sa nabanggit na pasyente sa matapos na hindi na nila ito mahagilap sa lugar at ipina-alam na lamang ng mga kapit-bahay na umuwi na ito sa Koronadal.
Sa ngayon, nilockdown na ang pamamahay na inuwian nito sa Barangay Sta. Cruz, Koronadal at isinailalim na rin sa quarantine ang mga kamag-anak na nakasalamuha nito.
Kinumperma din ni Vego na ipina-alam na nila ang Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng South Cotabato at Department of Health o DOH Region-12 insidente upang ma-alerto ang airline na sinakyan ng pasyente.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang contact tracing ng City Health Office sa iba pang mga nakasalamuha ng babae lalo na sa mga nakasama nito sa sasakyan mula sa GenSan pauwing Koronadal.
