Umapela si Senador Bong Go sa Department of Health (DOH) na wag sayangin ang mga nakamit na ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Ito ay matapos na naging kontrobersyal ngayon ang kagawaran dahil sa mga umano’y kwestyunableng paggasta ng COVID-19 funds.
Hinimok ng senador ang DOH na linawin ang mga isyung nakita ng Commission on Audit (COA) na deficiencies sa kung paano hinawakan ng ahensya ang P67.32 bilyong response fund.
Giit ni Go, chair ng Senate Committee on Health, wala dapat masayang na pondo laban sa COVID-19 lalo na’t kailangan ng bansa ang lahat ng resources para matugunan ang health crisis.
Kaya naman kung may kakulangan umano ang DOH ay dapat na itong iwasto agad at ipaliwanag nang malinaw at mabilis na maiintindihan ng publiko nang sa gayon ay makapag-focus ang pamahalaan sa pagsigurong mabibigyan ng epektibong gamot, bakuna, at serbisyo ang mga may sakit.
Mababatid na batay sa annual audit report para sa DOH sa 2020, ang deficiencies na nakita sa COVID-19 funds ay mula sa non-compliance sa mga regulasyon na humantong sa missed opportunities para sa ahensya na syang inatasang tumugon sa pandemya.
