BICOL—Tuloy tuloy ang downward trend ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Bicol region dahil sa mababang kasong naitatala kada araw.
Sa ngayon ay umaabot na lamang sa 3,851 (8.25%) ang aktibong kaso ng sakit mula sa 46,695 na cumulative cases.
Nitong weekend, 20 bagong kaso ang naitala kung saan siyam ang nadagdag noong Sabado habang 11 naman kahapon, araw ng Linggo.
Sa huling tala, pito ang bagong kasong nadagdag sa Sorsogon kung saan tatlo ang mula sa Barcelona, dalawa sa Matnog at tig-isa ang Bulan at Irosin.
Dalawa ang bagong kaso sa Albay, isa sa Santo Domingo at isa sa Tabaco City.
May tig-isang bagong kaso rin ang Camarines Sur na mula sa Naga City at ang Catanduanes na mula naman sa bayan ng Virac habang parehong zero new case ang Camarines Norte at Masbate.
Samantala, 161 ang bagong gumaling na naitala nitong weekend, 82 noong Sabado at 79 naman kahapon kung kaya pumalo na sa 40,988 (87.78%) ang total recoveries.
Sa huling tala kahapon, 67 ang bagong gumaling sa Albay, sampo sa Catanduanes at dalawa sa Sorsogon.
Sa gitna nito ay mataas naman ang death toll matapos na maiulat ang 12 nasawi noong Sabado at 14 naman kahapon.
Sampo ang bagong nadagda sa Albay at apat sa Camarines Sur kung kaya sa kabuuan ay pumalo na sa 1856 (3.97%) ang death toll sa COVID-19 sa Bicol.
Kaugnay nito ay patuloy pa rin ang paalala ng DOH Bicol sa mga Bicolano na sundin ang BIDA Solusyon plus sa COVID-19 para sa Serbisyong Salud Bikolnon.### | slm