Nakatakdang magpulong ngayong araw ang mga tauhan ng Mines and Geosciences Bureau-Region 8 para talakayin ang mga susunod na hakbang matapos ang pananalasa ng bagyong Agaton sa kanilang rehyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Baybay City Information Officer Marissa Cano na karamihan sa mga residente partikular sa Barangay Kantagnos ay hindi inaasahan ang malawakang landslide sa kanilang lugar.
Dahil dito ay magkakaroon ng meeting at assessment ang local government unit, Liga ng Barangay, kasama ang mga personnel at eksperto ng MGB para malaman kung maaari pa bang tirahan ang mga lugar na higit na napinsala ng pagguho ng lupa.
Sa ganitong paraan ay malalaman aniya kung maaari pang tirahan ang ‘ground zero’ ng landslides sa lungsod.

Paliwanag ni Cano, maraming residente ng Barangay Kantagnos ang takot nang bumalik sa kanilang mga bahay.
Kabilang aniya sa mga tatalakayin sa pagpupulong ay ang rellocation site ng mga residente sa nasabing barangay.
Evacuees sa Region VI, umapela ng tulong
Maliban sa Region 8 na higit na naapektuhan ng Bagyong Agaton, nananawagan din ng tulong ang ating mga kababayan sa bahagi ng Western Visayas.
Sa isang panayam, sinabi ni Capiz Provincial DRRMO Officer Judy Pelaez na nangangailangan sila ngayon ng malinis na tubig inumin.
Aniya, dahil sa pagbaha ay kontaminado ang water system sa kanilang area kaya naman tubig at pagkain ang higit na kinakailangan ng kanilang mga kababayan.
Sa kasalukuyan, maliban sa pagmomonitor ng kalagayan ng mga bakwit, isa rin sa pinaghahandaan ng kanilang tanggapan ang banta ng leptospirosis dulot ng pagbaha.

Samantala, ayon naman kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, umabot na sa higit P50Million ang halaga ng mga food packs, gamot, hot meals at tulong pinansyal na naipaabot sa mga sinalanta ng bagyo.
Sa kabuoan, umabot sa 2,015,514 indibidwal o 584,108 mga pamilya ang naapektuhan ng Agaton sa Western Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro.
#