“Barbaric acts” ng China, dapat nang iangat bilang criminal case sa international body

Umapela si Surigao del Norte Second District Representative Robert Ace Barbers sa gobyerno na sa halip na note verbale ay iakyat na bilang kasong kriminal ang protesta ng Pilipinas laban sa China sa international bodies.

Sa harap ito ng aniya’y “barbaric acts” ng China kabilang ang pag-atake sa mga barko ng Pilipinas at pagkumpiska sa mga suplay na para sana sa BRP Sierra Madre.

Ayon kay Barbers, marapat lamang na kondenahin ng international community ang hindi makataong pag-atake ng “trespassers” na kitang-kita sa video.

Hindi lamang aniya ito isang agresibong hakbang dahil inilagay din sa panganib ang buhay ng mga Pilipino at higit pa sa pambobomba ng water cannon.

Paliwanag ng kongresista, tila nakipagsuntukan ang China sa mga personnel ng ating bansa nang tangkaing bawiin ang air-dropped supplies para sa BRP Sierra Madre.

Dahil dito, kumbinsido si Barbers na sa tulong ng mga naaangkop na ahensya ng gobyerno ay kailangan nang ihain ang kasong kriminal laban sa China sa international bodies na may hurisdiksyon sa ganitong insidente.

Idinagdag pa nito na dapat purihin ang kabayanihan ng mga Pilipino dahil handa nilang isugal ang kanilang buhay upang makapaghatid ng food supplies para sa kapwa Pilipino anuman ang mangyari.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *