Imbes na sa barangay hall ay sa kulungan na mananalagi ngayon ang barangay kagawad matapos na makuhanan umano ng iligal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Maracta, Lumban, Laguna.
Kinilala ang suspek na si Romeo Del Valle, Jr. alyas “Jun”, kagawad ng Barangay Maracta at itinuturing na high value individual (HVI) sa listahan ng mga drug suspects sa Lumban.
Ayon sa report ni Police Colonel Randy Glenn G Silvio, Acting Provincial Director, Laguna PPO, aktong nahuli ang barangay kagawad na nagtutulak ng iligal na droga matapos pagbentahan ang pulis na nagkunwaring poseur buyer.
Nakumpiska sa suspek ang apat na pirasong plastic sachet ng hinihinalang iligal na droga, isang coin purse, five hundred peso bill na ginamit na pambili, one hundred peso bill at dalawang fifty peso bill na hinihinalang drug money.
Nasa kustodiya na ng Lumban Municipal Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong R.A 9165 o “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002”.
Isasailalim naman sa forensic examination sa Crime Laboratory ang mga nakumpiskang droga mula sa suspek.