Positibong kinilala na ng pamilya ang bangkay ng isang lalaki na nakitang palutang-lutang alas 10:00 ng umaga noong Sabado, Enero 7 sa ilog na sakop ng Brgy Suguian, Donsol, Sorsogon.
Kinilala itong si Dante Morada Mancera, 45-anyos at naninirahan sa Brgy Plaza, Jovellar, Albay.
Sa panayam ng Brigada News sa imbestigador na si PCMS Randy Madrilejos, ayon umano sa pamilya, nagpaalam sa kanila ang biktima noong Enero 5 na mamimingwit ito ng isda sa ilog subalit hindi na nakabalik sa kanyang pamilya.
Kung babalikan, matapos ilagay ng Donsol Police sa flash alarm ang nakitang bangkay ay tumawag umano sa kanila ang Jovellar MPS at ipinaalam na may naiulat na missing person sa kanilang AOR na isang indibidwal.
Agad namang nakipag-ugnayan ang Jovellar Police sa pamilya ng missing person para maberepika kung ito nga ang nawawala nilang ka-pamilya.
Nakilala ng pamilya ang mga labi ng biktima sa suot nito na black T-shirt, gray shorts at sa pangangatawan nito.
