CAMARINES NORTE- Isang bangkay ng babae ang natagpuang patay sa loob ng isang sasakyan na inabandona sa kanang bahagi ng Maharlika Highway Purok 6, Barangay Don Tomas, Sta Elena Camarines Norte dakong 8:50 ng umaga, nitong linggo
Ayon ulat ng Sta. Elena MPs, isang kagawad ng nasabing barangay ang nagpaabot ng report tungkol sa pagkakatuklas sa biktima.
Diumano, ang nasabing bangkay ay sakay ng isang kulay silver na Toyota Camry na nakaparada sa kanang bahagi ng kalsada ng Maharlika Highway ng nabanggit na lugar.
Ayon sa mga residente, madaling araw pa ng July 23, 2021 nang mapansin nila ang kotse na nakaparada sa tabi ng highway.
Isang residente ng nasabing lugar ang diumano’y nakatuklas ng bangkay ng biktima habang siya ay papunta sa kanyang bakuran. Dahil sa masangsang na amoy na nagmumula sa kotse, agad nitong tinungo at sinilip ang loob nito at doon niya nakita ang bangkay ng isang babae na agad din niyang inireport sa opisyal ng kanilang barangay.

Mabilis na umaksyon ang pulisya ng Sta. Elena MPS kasama ng PNP Explosive Ordnance Disposal (EOD) team at nagsagawa ng clearing operation upang suriin at siguruhin na walang anumang pampasabog sa lugar.
Samantala, agad nakipag-ugnayan rin ang Sta Elena MPS sa Highway Patrol Group (HPG), LTO para sa imbestigasyon at sa SOCO team upang iproseso ang crime scene.
Ang biktima ay nakilala sa pamamagitan ng nakuhang identification card na natagpuan sa wallet na nakapaloob sa maroon na bag na kinilalang si MARY ANN ESGUERRA y Galicia, 45 taong gulang na base sa nakuhang ID ay residente ito ng Cluster 24 Unit 1E Cambridge Village, Brgy. San Andres, Cainta Rizal.
Ang mga labi ng biktima ay isinailalim sa autopsy/post mortem examination.
Samantala, nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng pulisya at inaaalam pa rin ang nasa likod ng krimen at posibleng dahilan ng pagkamatay ng biktima.
(Photo courtesy: CNPPO)

