Inanunsyo ng Toll Regulatory Board (TRB) na magsisimula na ang paniningil ng bagong toll rates sa NLEX Connector simula bukas, Oktubre 15, 2024.
Ayon sa TRB, bahagi ito ng plano upang unti-unting ipatupad ang mga bagong singil, nang sa gayon ay hindi mabigatan ang mga motorista.
Para sa Class 1 na mga sasakyan tulad ng mga regular na kotse at SUV, magiging P119 ang toll. Sa Class 2 na kinabibilangan ng mga bus at maliliit na trak, magiging P299 na ang singil, habang ang Class 3 na malalaking trak, magiging P418 ang toll.
Naunang inilunsad ang mga initial rates noong 2023, apat na buwan matapos buksan ang Caloocan hanggang España section.
Nanatili ang discounted rates nang mabuksan ang Section 2 mula España hanggang Magsaysay Boulevard noong Oktubre 2023, na nagbigay-daan sa mga motorista na magamit ang mas mahabang ruta nang walang dagdag na singil sa loob ng halos isang taon.