CAMARINES NORTE- Bumuhos ang ayuda para sa mga pasyente at empleyado ng Camarines Norte Provincial Hospital sa launching ng Malasakit Center kahapon.
Sa naturang aktibidad ay inanunsiyo ni Sen. Christopher “Bong” Go na mayroong P3 milyon matatanggap ang ospital kada buwan mula sa Office of the President at maaari itong palitan kapag naubos.


Aniya, walang ibang gagawin ang pasyente kung hindi lumapit sa Malasakit Center dahil nakahanda umanong tumulong ang iba’t- ibang ahensiyang matatagpuan dito tulad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) upang wala nang bayaran sa ospital.




Maliban dito, may ilalaan din umano si Go mula naman sa kaniyang opisina na sampung milyong pisong “One time tulong” na medical assistance para sa mga mahihirap na pasyente.
Dadagdagan pa umano ito ng karagdagang sampung milyong piso pagdating ng Agosto para hanggang sa katapusan ng taon ay may nakahandang medical assistance sa mga mahihirap na pasyente.
Inanunisyo rin ni Go na makakatanggap ng financial assistance ang nasa 205 na mga naka- admit na pasyente sa CNPH at 482 rank in file employees kasama na ang mga janitor at security guard mula naman sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.
Mayroon din umanong hiwalay na tulong ang opisina ng senador para sa pananghalian ng nasa 205 na pasyente at 592 frontliners na may kasamang grocery packs, vitamins at magagamit na face mask at face shield.
May pa- raffle din ang senador na 20 bisikleta at sampung pares ng sapatos para sa mga frontliners at 20 tablet para naman sa kanilang mga anak na nag- aaral.

