Army patuloy sa pagpapatupad ng ELCAC, armas at pampasabog na pag-aari ng NPA, muling nadagdagan dahil sa tulong at kooperasyon ng sibilyan.

SORSOGON CITY – Sa patuloy na pagpapatupad ng EO#70 o Ending Local Communist Armed Conflict (ELCAC) ng Phil Army sa lalawigan ng Sorsogon, nagresulta ito sa muling pagkarekober ng mga armas at pampasabog na pag-aari ng New People’s Army sa bayan ng Magallanes.

Ang pagkarekober ng armas panggiyera ng NPA ay dahil sa tulong at kooperasyon sa tropa ng pamahalaan ng mga sibilyan sa nasabing lugar.

Ayon sa ulat na natanggap ng Brigada News, ang mga armas at pampasabog ay nakalagay sa sako at itinago sa koprahan sa Brgy Bulala ng nasabing bayan.

Read More:  Soldiers trek 25 kilometers carrying school chairs for Indigenous students in Davao del Norte

Kinabibilangan ito ng tatlong M16 rifle, isang KG9, tatlong anti-personnel mines, mga bala at iba pang kagamitang pang-propaganda.

Pinuri naman ng commander ng 903rd Brigade na si BGen Aldwine Almase at commander ng 9th Infantry Division na si MajGen Alex Luna ang kanilang mga sundalo at mga sibilyan sa pakikipagtulungan nila na nagresulta sa matagumpay na operasyon upang tapusin na ang insurhensiya sa kanilang bayan at sa buong lalawigan.

Read More:  Several children saved in Davao del Sur anti-online sexual abuse raid

Maliban dito, pinapaabot din ni MGen Luna ang kanyang mensahe sa mga kasapi ng komunistang grupo na magbalik-loob at huwag nang hayaang mawasak o masira ng maling idelolohiya ang kanilang buhay.

Ito na ang pangalawang beses sa loob lamang ng isang linggo na nakarekober ng mga armas at pampasabog ang tropa ng pamahalaan dahil sa pakikipagtulungan ng mga sibilyan sa mga sundalo na nagresulta din sa pagkasamsam ng tatlong M16 rifle, isang anti-personnel mine, daan-daang bala, mga magazine, kagamitan sa pampasabog at gamit komunikasyon sa bayan ng Juban.