BICOL—Nilinaw ng Chief Operations Officer ng Albay Power and Energy Corporation (APEC) na si Apolinario Alvarez na hindi nila kontrolado ang pagtaas ng presyo ng kuryente sa Albay.
Ito ay sa gitna ng mga reklamo at batikos sa biglaang pagsipa ng electric bill ng mga consumer nitong nakaraang billing period.
Ayon kay Alvarez, tali ang kanilang mga kamay sa naging desisyon ng Department of Energy (DOE) matapos nitong i-deny ang kanilang request for exemption to enter into Emergency Power Supply Agreement (EPSA).
Anya, kung hindi nila ito susundin ay maaaring maglabas ng show cause order ang DOE at Energy Regulation Commission (ERC) laban sa kanila.
Noong nakaraang taon pa umano nila ito nirequest sa DOE pero nitong Mayo 27 ay naglabas ng desisyon ang ahensya na nagdedeny sa kahilingan.
Hanggang ngayon ay wala pang tugon ang ahensya sa kanilang isinumiteng motion for reconsideration at maging sa mga sulat na ipinadala nina Congressman Joey Salceda, Governor Al Francis Bichara at Mayor Noel Rosal.
Ang epekto umano nito ay napipilitan silang bumili ng power supply sa spot market na hindi rin nila kontrolado ang presyuhan.
Ngayong Hulyo ay posibleng mas tumaas pa ang bayarin sa kuryente dahil 100% na umano silang kukuha ng supply sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).


Hiling na lamang nito sa mga Albayano, ipagdasal na huwag gaanong tumaas ang presyo sa spot market at huwag ring idamay ang simbahan at Obispo sa usapin.
Ipinanawagan din nito sa mga government officials sa Albay na makiisa sa pagkalampag sa DOE na mapagbigyan ang kanilang hiling para sa exemption sa EPSA.
Anya, hanggang Disyembre 26 ngayong taon lang naman ang kanilang request na exemption habang nagsasagawa ng competitive selection process sa winning bidder.### || SLM