BICOL— Nanawagan si Virac, Catanduanes Mayor Sinforoso Sarmiento sa Department of Health na dagdagan ang alokasyon ng RT-PCR test o swab test sakanilang bayan.
Ayon kay Sarmiento, kulang na kulang aniya ang ibinibigay na slot para sa Virac kung saan inaabot lamang ng walo hanggang sampong indibidwal kada araw ang naisasailalim dito sa swab testing.
Mula sa nasabing bilang, anim na slots ang ibinibigay pa sa mga pasyente sa ospital sakanilang bayan kaya’t halos nasa lima na lamang ang natitira para sa mga na-contact trace o mga close contacts ng mga nag positibong indibidwal sa COVID-19 at mga nakakaramdam ng sintomas ng sakit na sumasangguni sa Rural Health Unit.
Bunsod nito, pahirapan aniya ang nagiging sitwason sakanilang munisipalidad dahil liban sa kakulangan ng testing kit, tuwing mga araw lamang ng Lunes, Miyerkules at Biyernes ang schedule ng pagkuha ng specimen at kailangan pa itong ihabol sa biyahe ng barko para maipadala at masuri sa mainland Bicol.
Dahil dito inaabot rin ng dalawa hanggang tatlong araw bago malaman ang resulta ng mga kinuhang specimen, kaya’t natatagalan rin sila bago magsagawa ng contact tracing at pag isolate sa mga close contacts.
Sa huli, binigyang diin ng alkalde na malaking problema ang kinakaharap nila ngayon lalo na at mataas ang kaso ng sakit sakanilang bayan kaya’t hangad nito na mapagbigyan ang kanyang apela ng DOH at ng pamahalaang panlalawigan.###
