Alegasyon na may utos mula sa liderato ang pagdinig ng Quad Comm sa EJK, unfair ayon sa isang House panel chair

Tinawag ni House Committee on Public Order and Safety Chairman Dan Fernandez na “unfair” ang akusasyon ni Senador Bato Dela Rosa na si Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng imbestigasyon ng Quad Committee hinggil sa kampanya laban sa ilegal na droga, POGO operations at extrajudicial killings.

Ayon kay Fernandez, hindi tamang idamay si Romualdez na nag-utos umano na isagawa ang pagdinig at hindi siya papayag na magamit para sa political agenda.

Read More:  Acidre urges Senate to prioritize impeachment over flood control hearings

Walang sinuman aniya na miyembro ng Kamara ang maaaring magdikta sa mga kapwa kongresista.

Binigyang-diin ni Fernandez na hindi maaaring doktorin ang mga testimonya at ebidensyang nakalap sa quad comm at hindi matuturuan ang mga testigo o resource person ng sasabihin.

Sinisiguro umano ng joint panel chairmen na ang mga pagdinig ay transparent.

Read More:  Tulfo says leadership change needed to restore Senate dignity

Mababatid na ikinabahala ni Dela Rosa ang posibilidad na gamitin umano ang imbestigasyon ng quad comm laban sa kanya at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.

Sa pinakahuling pagdinig ng quad comm ay ibinunyag ni Police Col. Jovie Espenido na sa ilalim ng administrasyong Duterte ay nagtakda umano ng quota at reward system ang PNP sa mga pulis sa implementasyon ng war on drugs.