Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na meron itong nakahanda na iba pang contingency measures na magtitiyak na hindi mapipilay ang operasyon ng militar sa kabila ng pagbagsak ng C-130 plane nito.
Inihayag ito ni AFP spokesman Major General Edgard Arevalo sa gitna ng mga pangamba na posibleng humina ang militar sa mga misyon nito dahil sa pagkawala ng isa sa mga aircraft nito, kabilang na ang mahigit kalahati ng halos 100 pasahero na sakay ng naturang eroplano.
Iginiit ni Arevalo na nauunawaan nila ang pangamba ng publiko lalo na at isang heavy lift aircraft ang C-130.
Ipinunto niya na meron pa naman medium lift aircraft na C-295 na ginagamit ang militar.

Anya, pwede rin ito magamit sa pagpapadala ng cargo at personnel, ngunit hindi lamang ito kasing rami na pwedeng maisakay sa C-130.
Ibinalita naman ni Arevalo na meron pang isang C-130 ang darating sa Pilipinas mula sa Portugal ngayong buwan, matapos nitong dumaan sa routine maintenance.
Gayunman, mananatili munang grounded ang nasabing eroplano hanggang sa oras na matapos ang imbestigasyon sa nangyaring insidente noong Linggo na ikinasawi ng 53 katao.