Karagdagang pondo para sa financial aid sa mga apektado ng ECQ, aprubado na; Senador Bong Go, tiniyak ang agarang pamamahagi ng ayuda
Nagpasalamat si Senador Bong Go kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa pag-apriba sa P3.783 billion assistance sa mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR), at mga probinsya ng Laguna at Bataan.
Dahil dito, sinabi ng senador na dapat bilisan ang pamamahagi ng pinansyal na ayuda para sa mga apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).
Binigyang diin ni Go na dapat ay maibigay ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga mahihirap na pamilya para maibsan ang epekto ng pandemya.
Tiniyak ng senador na di pababayaan ng gobyerno ang mga mahihirap habang nakasailalim sa ECQ ang NCR at mga kalapit na lugar hanggang August 20 para malabanan ang Delta variant.
Sa pag-apruba ng pangulo, dadagdagan ng Department of Budget and Management (DBM) ang Local Government Support Fund ng mga LGUs na nagkakahalaga ng P2.23 billion habang may ire-release rin pa na P1.55 billion mula naman sa tirang revenue na sertipikado ng Bureau of Treasury sa pamamagitan ng Unprogrammed Appropriations.
Mababatid na una nang umapela ang senador sa pamahalaan na bigyan ng financial assistance ang mga mahihirap na pamilya sa NCR na ginawa na rin nya noong Marso noong ipinatupad ang ECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
