Alam ng karamihan sa atin na kapag bacteria ang pinag-uusapan hindi ito nakikita ng ating mga mata, gumagamit tayo ng microscope para palakihin ang sobrang maliliit na bagay na hindi “visible” gamit ang ating “naked eye”.
Sa isang mangrove swamp sa Caribbean, nadiskubre ng mga marine biologist ang isang bacteria na kahit hindi ka gumamit ng microscope ay iyong masisilayan.
Ang bagong tuklas na bacteria ay pinangalanang “Thiomargarita magnifica” na ngayon ay tinaguriang “World’s Largest Bacterium” o pinakamalaking bacteria sa buong mundo.
Ang nasabing bacteria ay maihahalintulad sa isang hibla ng ating pilikmata.
Ito’y unang natuklasan ni Olivier Gros na nakadikit sa mangrove leaves, na dahil sa tulong ng genetic analysis, napag-alaman na isa itong single bacteria cell.
Kilala ang bacteria sa tungkulin nitong magbigay ng mga sustansya tulad ng nitrogen at posporus sa mga halaman pati na rin ang paggawa ng mga hormone sa paglaki.
Namangha ang mga siyentipiko sa nadiskubreng bacteria dahil ito’y makakatulong sa kanilang mga pagsasaliksik sa kung gaano pa ang kaya nitong ilaki.
Sa ngayon, wala pang malinaw na dahilan kung bakit malaki ang “Thiomargarita magnifica” ngunit base sa hypothesis ni Gros, maaring ito’y isang adaptation ng bacteria para hindi ito makain ng ibang mga maliliit na organismo.### KENNETH BERMIL, Intern