Naniniwala ang ilang mga mambabatas na dapat nang magkaroon ng sariling mga mobile apps ang ilang ahensya ng gobyerno para sa mas mabilis at sistematikong pamamahagi ng ayuda sa publiko.
Sa isang panayam, iminungkahi ni Taguig-Pateros 1st district Rep. Alan Peter Cayetano na mag-develop ng apps ang mga Kagawarang nakatoka sa public service kagaya ng DSWD, DOH, at maging ang transport-related agencies para sa isang ‘Transport Help’ app.

Sa ganitong paraan, hindi na umano mahihirapan ang mga nangangailangan na makatanggap ng tulong lalo na’t pera rin naman ng taumbayan ang kanilang tatanggapin.
Sa oras na magkaroon na ng sariling apps ang mga government agencies, kakailanganin lang ng QR codes ng mga tatanggap ng ayuda at maipadadala na ang financial aid sa kanilang mobile wallet.
Giit ng mambabatas, sa umiiral daw kasi na sistema ngayon ay pahirapang makakuha ng tuilong lalo na kung wala kang fixer o pa-padrino ng iyong request.
Aniya, ‘di tulad ng dati, maraming pondo ngayon ang Gobyerno, ngunit pahirapan lamang sa proseso ng distribution.
#