Tinuldukan na ng Memphis Grizzlies ang playoff run ng Minnesota Timberwolves sa Game 6 ng NBA first round match-up, 114-106.
Tila deja vu ang nangyari sa Timberwolves dahil muli na naman itong nasilat ng Memphis sa kabila nang naipoposteng double-digit na kalamangan katulad ng Game 4 at Game 5.

Sa kabila ng maalat na shooting ng kanilang key player na si Ja Morant na humakot lamang ng 17 puntos sa 4 of 14 field goal, nakahanap naman ito ng katulong mula sa kanyang mga team mate.
Nanguna sa Memphis sina Dillon Brooks at Desmond Bane na kapwa nagtala ng 23 points habang may 17 points si Brandon Clarke at 18 puntos, 14 rebounds naman ang naiambag ni Jaren Jackson.
Humakot naman ng 30 points si Anthony Edwards at 18 points, 10 rebounds ang nakuha ni Karl Anthony Towns para sa Timberwolves.
Dahil sa panalo kumpleto na ang Western Conference semis kung saan makakaharap ng Memphis ang Golden State Warriors.