CAMARINES NORTE- Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na unti- unti nang nakakarekober ang suplay ng gamot partikular ang paracetamol.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Alvin Sayno, Consumer Protection Division Head ng DTI Camarines Norte, inihayag nito na batay sa kanilang latest monitoring noong Marso 1 ay masasabing hindi na kagaya nang dati na nagkakaroon ng shortage sa gamot.
Gayunman limitado pa rin aniya ang suplay dahil wala pang dumarating na maramihan pero hindi naman katulad ng dati na nagkakaubusan.
“So far stable naman yung ano, stable naman po yung presyo ng gamot sa merkado, mayrong konteng, hindi naman shortage but limited supply ng gamot particularly paracetamol,” ani Sayno.
Sa ngayon ay nililimitahan pa rin ang dami na maaaring mabiling paracetamol upang hindi naman mapagkaitan ang iba pang nangangailangan.
“Ang pinaka purpose dito ay to made available to everyone ito pong mga gamot na kailangang kailangan lalo na yung mga most commonly used na medicines.”
Wala rin umanong namomonitor sa ngayon ang DTI na kumakalat na pekeng gamot.
Matatandaan na nagkaubusan ng paracetamol sa kasagsagan ng pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19 dahil sa Omicron variant noong Enero.
Upang tulungan ang Department of Health, naglabas na kautusan noon si DTI Secretary Ramon Lopez na mag conduct na rin ang kanilang personnel ng monitoring sa suplay ng gamot.
Anim na malalaking establishment umano sa Daet ang minomonitor ng DTI at isang lokal na botika.
