Bahagyang tumaas ang bilang ng mga walang trabaho noong Disyembre 2021 batay sa huling datus mula sa Labor Force Survey na inilabas ng Philippine Statistics Authority.
Sa isang virtual briefing sinabi ng PSA na tumaas sa 6.6 percent ang unemployment rate noong December mula sa 6.5 percent na naitala noong November 2021.

Katumbas ito ng 3.27 milyong Pilipinong walang trabaho ayon sa ahensiya.
Samantala, ang underemployment rate naman ay mas mababa para sa naturang buwan sa 14.7 percent kumpara sa 16.7 percent noong Nobyembre 2021.
Nangangahulugan ito na humigit-kumulang 6.81 milyong Pilipino ang nangangailangan ng mas maraming oras ng trabaho mula sa 7.62 milyon noong nakaraang buwan.
Inaasahan naman ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua ang mas mataas na unemployment rate nitong Enero 2022 dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 na dulot ng bagong variant ng omicron.