NAGA CITY- Ipinaliwanag ng pamunuan ng Bicol Medical Center kung paano tinamaan ng COVID-19 ang walong mga custodial patients sa Department of Psychiatry o Don Suzano Rodriguez Memorial Mental Hospital.
Ayon kay Emerging and Re-emerging Infectious Disease (EREID) Center Head , Dr. Joey Rañola III , nagsimula ito sa bagong pasok na pasyente. Patakaran aniya na kapag papasok ang pasyente dumaraan sa antigen testing noong Dec. 23, subalit ilang araw ang nagdaan ay nagkaroon ng sintomas, daan upang isailalim sa RT-PCR test. Gayundin ang mga kasama nito. Walo sa sampung custodial patients ang positibo at isa naman mula sa Acute Crisis Intervention Service (ACIS).
Lahat ng pasyente ay asymptomatic at nasa isolation facility na.
Sinabi ni Rañola na umaasa silang hindi magiging matindi ang epekto ng virus dahil halos lahat ng pasyente sa Psychiatry Department ay fully vaccinated at tumanggap na rin ng booster shots.
Nakalockdown ngayon ang pagamutan hanggang sa Enero 11, 2022. Suspendido muna ang outpatient services.