Nanindigan si Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang desisyon na hindi tumakbo pagkapangulo sa 2022 election.
Ayon kay Go, plano niyang ipagpatuloy ang pagsilbi sa mga tao sa kanyang sariling kakayahan at magsuporta sa laban ng gobyerno kontra sa COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, batid rin umano niya ang mabigat na responsibilidad na kinahaharap ng susunod na pangulo dahil sa nagpapatuloy na health crisis at nangakong susuporta sinuman ang maupo para muling makatayo ang bansa.
“Uulitin ko, hindi ako interesadong tumakbo dahil alam ko sakit ng ulo ang aabutin ng susunod na Pangulo. Pwede naman akong tumulong sa kanya. Kung sino man ‘yung magiging susunod na Pangulo, susuportahan ko siya,” saad ni Go.
“Sanay akong magserbisyo sa ating kapwa Pilipino na nasa likod. Hindi naman kailangan na ako ‘yung tumakbo. Ang importante ay malampasan natin itong pandemyang ito,” dagdag nito.
Umaasa naman ang senador na maipagpapatuloy ng susunod na pangulo ang mga nagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
“Kung sinuman ang ibibigay ng Panginoon pagdating ng panahon ay tanggapin natin. Ang importante para sa akin ‘yung katimbang ni Pangulong Duterte and, of course, ‘yung nagmamalasakit sa ating kapwa Pilipino. Iyun ang hahanapin natin pagdating ng panahon,” he encouraged.
