Nagbabala na naman si Vice President Sara Duterte hinggil sa gumagamit ng kanyang pangalan para makapanghingi ng pera.
Sa isang pahayag, sinabi ni VP Sara na may ilang mga tao at grupo na nagpapanggap na mula sa Bureau of Customs at ibang pang ahensya ng pamahalaan para makapagsulisit ng pera na gagamitin umano sa isang kampanya.
Mariing sinabi ni Duterte na isa itong scam.
Giit pa ng Bise Presidente, hindi siya manghihingi sa kahit na sino ng pera para sa politika at iba pang mga bagay.
Binalaan nito ang publiko na huwag magpapaloko.
Agad din aniyang i-report sa Philippine National Police ang mga nalalaman hinggil sa naturang scam.
Mababatid na kamakailan ay pinasinungalingan na rin ni VP Sara ang kumalat na usap-usapan hinggil sa P10,000 na pamaskong handog ng kanyang opisina.