Timbog ang isang lalaki at ang kasama nito na isang estudyante matapos ang ikinasang drug buy-bust operation ng pinagsama-samang pwersa ng mga awtoridad sa Purok Bagong Masagana, Barangay Cotta, Lucena City nitong Sabado, Abril 22.
Ayon sa report, pasado alas 7:00 ng umaga isinagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto kay Edwin Manalo, alyas “Edwin”, 39-anyos at Christian Torres, 19-anyos, pawang mga residente ng naturang lugar.
Sa gitna ng operasyon, nakumpiska mula sa mga ito ang anim (6) na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱120,156.
Nasamsam rin ang isang (1) coin purse, isang (1) cellphone at ang 500 peso bill na ginamit bilang buy-bust money.
Kasalukuyan ng nasa kustodiya ng mga awtoridad ang dalawang suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.