Arestado ang isang lalaking noo’y nasa ilalim ng impluwensya ng alak matapos umano nitong manghabol at magbanta sa apat na indibidwal sa Barangay Dalahican, Lucena City nitong Linggo, Abril 23.
Kinilala ang naarestong suspek na si Reynaldo Loza, 40-anyos at residente ng naturang lugar.
Ayon sa report, nasa ilalim noon ng impluwensya ng alak si Loza nang walang anu-ano’y bigla na lamang nitong hinabol ang isa sa mga biktima na si Emma, 54-anyos, habang may hawak itong martilyo.
Ang insidente ay nasaksihan ni Nomer, 27-anyos kung kaya sinubukan nitong awatin ang suspek subalit hinampas ito ng suspek sa ulo gamit ang martilyo.
Samantala, sinubukan rin itong awatin ng isa pang biktima na kinilala namang si Karen, 24-anyos, ngunit hinabol rin ito ng suspek kung saan sa gitna nito, nadamay rin ang sa panghahabol si Rona, 27-anyos.
Sa apat na mga biktima, naabot ng suspek si Rona kung saan ay nagbitaw pa ito ng mga salita saka hinawakan ito sa dibdib. Samantala, naaresto rin kalaunan ang suspek at nahaharap na ngayon ito sa patong patong na kasong Attemped Homicide, Unjust Vexation at tatlong bilang ng Grave Threats.