CAMARINES NORTE- Napabilib ng Basudeñong PBA Rookie na si Justin Arana si 6- time PBA Most Valuable Player at San Miguel Center June Mar Fajardo.
Noong Linggo ay nagkaharap ang Converge ni Arana at San Miguel Beermen ni Fajardo pero natalo ang una sa score na 111-92.
Gayunman, hanga si Fajardo sa ipinakitang husay ng 6-foot-6 freshman mula sa bagong PBA team na Converge.
Sa ulat ng Philstar, sinabi ni Fajardo na malaki ang potensyal ng batang player na maging isa sa pinakamahusay na manlalaro sa liga lalo’t isa sa coaches na gumabagay dito ay si dating PBA Rookie of the Year at MVP Danny Ildefonso.
“Magaling ‘yung bata. Suwerte siya at nandoon si Kuya Danny. Maga-guide sya ni Kuya Danny doon.”
Maliban kay Fajardo ay isa rin sa napahanga ng Basudeñong PBA Rookie ay si Rain or Shine big man Beau Belga.
Sa huling regular na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Basud noong Lunes ay naghain ng resolusyon si Councilors Franz Inah Arana- Macale at Gerry Quiñones na kumikilala sa husay ng PBA Rookie at bilang isa umano sa “pride” ng Basud.
Si Justin Arana ay naglaro sa mga local basketball team na inorganisa ng iba’t- ibang barangay, munisipyo at probinsiya.
Produkto siya ng Special Program for Sports ng Basud National High School at naging Varsity Player dito.
Napabilang din ito sa team na lumaban sa Bicol Meet at Palarong Pambansa kung saan nakita ng malalaking kolehiyo at unibersidad ang husay nito.
Bago nakapasok sa PBA sa pinakahuling Rookie draft ay naglaro si Arana sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) bago na- recruit ng Arellano University para maglaro sa National Collegiate Athletic Association (NCAA).
Habang naglalaro sa NCAA ay nasungkit nito ang ilang award tulad ng back to back Defensive Player of the Year, All Defensive Team, Mythical Five at Rookie of the Year Award.
Bukod kay Arana, naghain din ng kaparehong resolusyon ang konseho na kumikilala naman kay Jammer Jamito
Si Jamito ay taga Caayunan, Basud at nagsimula ring maglaro ng basketball sa mga barangay fiesta.
Naging bahagi siya ng basketball team ng isang pribadong kolehiyo sa lalawigan bago naglaro sa National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU).
Naglaro din si Jamito sa PBA D- League at noong 2016 PBA Rookie Draft ay kinuha ng Barangay Ginebra San Miguel ni Coach Tim Cone.
Noong 2018 ay naging unrestricted free agent si Jamito kaya nakuha ng Meralco Bolts ni Coach Norman Black
Sa ngayon ay naglalaro si Jamito sa Maharlika Pilipinas Basketball League sa koponan ng San Juan Knigths.
Photo from the WEB
