Sumuko sa pamahalaan ang 6 na mga kasapi ng rebeldeng NPA dala ang kanilang mga matataas na kalibre ng armas sa San Mariano, Isabela.
Kinilala ang mga nagbalik-loob na sina Alyas Jun-Jun,30-anyos; Alyas Onyok, 25-anyos at Alyas Eugene, 55-anyos na pawang team leader; Alyas Merson, 30-anyos, isang Supply Officer at Alyas Jeffrey, 24-anyos na miyembro ng NPA at si Alyas Badboy, 56-anyos at miyembro ng Militia ng Bayan.
Ayon sa 5th Infantry Division Philippine Army, ang mga sumukong rebelde ay kabilang sa Regional Sentro De Gravidad (RSDG), Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV).
Sa pamamagitan ng magkatuwang ng pwersa ng mga kasapi ng 95Th IB, 502nd Infantry Brigade at PNP ay nagawang makapagbalik-loob ang mga ito.
Nagpasiya umano silang tumiwalag sa kilusan matapos masaksihan ang magandang naidudulot sa buhay ng mga dati nilang kasamahan na nagbalik-loob na sa gobyerno.
Ayon pa sa mga sumuko, bumaba umano ang moral ng mga natitira pang mga rebelde dahil sa magkakasunod na engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan kung saan nasawi ang kanilang mga pinuno.
Idagdag pa umano ang pagsuko ng mga miyembro, pagtalikod ng kanilang masa at pagkakakumpiska ng mga kagamitang pangdigma ng mga ito.
Dala ng anim sa kanilang pagsuko ang apat na high-powered firearms gaya ng M653 rifle, M14 at 2 M16 rifles, isang kalibre 38 na rebolber, 12 piraso ng IEDs, mga magazine at mga bala.
Kaugnay nito ay pinuri ni MGen. Laurence Mina, Commander ng 5ID ang mga kasapi ng tropa dahil sa patuloy na pagsusumikap na matuldukan na ang insurhensiya sa lalawigan ng Isabela.
Photo/ 5ID PA