SORSOGON CITY – Inaresto ng pulisya ang limang pasahero ng isang pribadong sasakyan na pumasok sa lungsod ng Sorsogon mula sa Metro Manila dahil sa pagpapakita ng doktorado na negative RT-PCR test results.
Kinilala ang mga ito na sina Pacifico Fresnedo Gajo, 50-anyos, may asawa, driver; Corazon Furio Galan, 55-anyos, may asawa, housewife; Melvin Gojit Fresnido, 40-anyos, binata, factory worker; Constantino Galag Galan, 55-anyos, may asawa, security guard at Connie Galag Gulan, 55-anyos, housewife lahat residente ng North Fairveiw, Quezon City, Metro Manila.
Batay sa ulat na nakalap ng Brigada News FM-Sorsogon, nakatanggap umano ng tawag ang Sorsogon City Police mula sa City Health Office hinggil sa paglabag ng mga naturang pasahero sa health protocol.
Natuklasan sa Cabid-an Temporary Treatment Monitoring and Assessment Facility na peke ang iprenisentang RT-PCR Test Report ng mga suspek nang binalida ito sa QR code scanner.
Lumabas sa QR Code scanner na ang apat na swab test result ng mga suspek na galing sa East Avenue Medical Center, Molecular Laboratory na may petsang September 2, 2021 ay lahat nakapangalan kay Pacifico Gajo.
Nahaharap na sa kasong paglabag sa RA 11332 o ang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act’’ ang mga suspek sa pamamagitan ng ‘regular filing’ sa korte.
Ang mga akusado ay nakauwi na sa kanilang bayan matapos lumabas na negatibo sila sa panibagong swab test na isinagawa sa Sorsogon City.
