Nasa 41 na mga LET taker ang naitalang nagpositibo sa isinasagawang antigen testing ngayong araw sa Cauayan City National High School bilang paghahanda sa licensure examination for teachers bukas, January 30, 2022.
Ito ang inihayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., ang Schools Division Superintendent sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Ayon sa kaniya, natapos na ngayong umaga ang 590 na mga examinees na sumailalim sa antigen testing at 41 sa mga ito ang nagpositibo.
Agad naman aniyang dinala sila sa isolation ng paaralan at matapos makipag-uganayan sa kanilang mga lokal na pamahalaan ay nasundo na ang iba.
Nakakapanghinayang man aniya subalit hindi na makakapag-exam pa ang mga ito at batay sa pakikipag-usap sa PRC ay iischeduel nalang sila sa susunod na batch.
Sinabi pa ni Dr. Gumaru na inaasahang 1500 ang LET takers bukas kung saan gaganapin ito sa Cauayan City National High School at Cauayan North Central School.
Maghapon ngayon aniya ang antigen testing kung saan by schedule ito at ang mga hindi makakahabol ngayon ay pwede naman bukas subalit limitado na lamang sa oras dahil magsisimula ang kanilang preliminaries ng alas-7:30 ng umaga.
Samantala, inabisuhan na rin anya nila ang mga guro na magiging watcher na mag-quarantine at kailangang maipakita nila ang vaccination card para matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Nagpaalala naman si Dr. Gumaru sa mga sasailalim sa pagsusulit bukas na maging maingat at sundin ang health protocols upang maging maayos at matagumpay ang gagawing licensure examination.