Nasawi ang apat na taong gulang na batang lalaki habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan matapos magtamo ng serious head injuries nang masagasahan sa Domingo St. Purok 3, Brgy Sillawit Cauayan City kahapon, August 11,2021.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa PNP Cauayan City, una rito nakita na lamang ng mga menor de edad na witness ang biktimang si Zecheuz na nakahandusay sa daan nang mabangga ng Chevrolet Duramax na minamaneho ng suspek na si Naomi Alano, 64 anyos, isang midwife at residente sa nasabing lugar.
Dahil dito, agarang idinala sa Cauayan City District Hospital ang biktima upang lapatan ng lunas ngunit nasawi rin ito dahil sa natamong matinding head injury.
Sa ngayon ay nasa korte na ang suspek at isinailalim sa inquest proceeding habang nasa pangangalaga naman ng Cauayan City Police Station ang sasakyan nito para sa tamang disposiyon.
Samantala, inihahanda na ang kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide laban kay Alano.