LEGAZPI CITY – Hinihikayat ng Department of Health Regional Office V ang mga pribado at pampublikong ospital na maglaan ng 30-50 percent bed capacity para sa mga pasyente na tinamaan ng Covid-19.
Ayon kay Dr Lulu Ramos Santiago, Covid-19 Program coordinator ng Depatment of Health (DOH) Bicol, kinakailangan mayroong allocation na 30% bed capacity ang mga private hospital at 50% naman sa mga pampublikong ospital.
Ito ay dahil pa rin sa tuloy-tuloy na pagtaas ng kaso ng tinatamaan ng naturang sakit.
Subalit ang nasabing porsyento, depende pa rin sa license to operate nito.
Aniya, alinsunod pa rin ito sa batas na RA 11494 o Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na mag-allocate ng bed capacity ang mga nasabing ospital.
Maliban pa rito, makakatulong din umano ang pagsunod ng minimum health public standards at pagbabakuna upang maiwasan pagkakaroon ng severe o kritikal na sintomas sa covid 19.
Sinabi ng opisyal, dalawang taon ng nakikipaglaban ang publiko sa covid 19 hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagdami ng naturang sakit dahil sa hindi naipapatupad ng maayos kung kayat nagkakaroon umano ng siksikan sa mga ospital sa bansa.