Inihayag ni Baggao Mayor Joan Dunuan na papatawan ng kaukulang aksyon ang tsuper ng kotse na sangkot sa drag racing na nauwi sa aksidente sa barangay San Jose, Baggao, Cagayan kahapon, February 20, 2022.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Mayor Dunuan, una rito ay nagkaroon aniya ng exhibition show ang mga miyembro ng Baggao Lancer Elite Organization bilang bahagi ng selebrasyon ng kanilang anibersaryo.
Paliwanag niya na hindi siya ang organizer ng aktibidad ngunit kabilang umano sa mga expectators maging ang iba pang personalidad.
Ayon sa alkalde, tapos na noon ang exhibition kaya naman naglabasan na ang mga taong nanonood sa gate o kung saan sila dating nakapwesto.
Aniya, labas sa mga inilatag na programa ang pangyayari at hindi rin umano alam ng organizer na si Jay Ar Padilla ang ginawang drag race ng dalawa nilang miyembro.
Nagsagawa na umano si Mayor Dunuan ng inisyal na imbestigasyon kung saan napag-alaman na nagkahamunan ang dalawang tsuper at nagkagirian kaya nagkaroon ng “uncontrolled vehicle stop.”
Tatlo ang naitalang nasugatan sa nangyaring aksidente na nalapatan na ng lunas.