Nasa 19 nang grass fire sa lunsod ang tinugunan ng Cauayan City Fire Station mula noong April 27, 2021.
Ito ang kinumpirma ni BFP Cauayan Chief Inspector Aristotle Atal sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, mula umano noong April 27 ay umabot na sa 19 ang tinugunan nilang sunog sa lunsod ng Cauayan kung saan naitalang pinakamalawak ang nangyaring grass fire kagabi sa Brgy. Minante 1.
Dagdag pa nito nasa 90% na dahilan dito ay ang isinasagawang pagsusunog ng mga magsasaka sa kanilang sakahan bilang paghahanda sa pagtatanim ng palay.
Mayroon na rin umanong batas na isinasaad ang pagbawal sa pagsusunog at maaring may kaharaping kaso mula sa Department of Environment and Natural Resources.
Paliwanag din nito, isa sa pamamaraan na kanilang isinasagawa upang agad na maapula ang sunog at hindi na lumawak pa ay nilolocate na nila ang 4 na fire truck malapit sa mga kabahayan.
Pinaalalahanan naman nito ang mga nagsusunog sa kanilang sakahan bilang paghahanda sa pagtatanim ay maging responsable na lamang at maghanda na ng tubig na ipangbubuhos upang maiwasan ang pagkalat nito lalo pa’t mainit aniya ang panahon at lumalakas ang hangin sa hapon.