Muling nakatanggap ng tulong at suporta ang sector ng Jeepney Operators at Drivers Association ng City of Ilagan sa isinagawang Consultative Meeting noong May 11, 2021.
Ito ang kinumpirma ni City General Services Officer Ricky Laggui sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Pinangunahan ni City Ilagan Mayor Josemarie Diaz katuwang si PLTCol. Virgilio Vicon Abella Jr, ang hepe ng PNP Ilagan City ang naturang pagpupulong sa Community Center, Brgy.Centro .Poblacion City of Ilagan, Isabela.
Magugunitang unang nakatanggap ng tulong ang lahat ng Jeepney Operators at Drivers ng lungsod noong nakaraang buwan matapos matulungan sila ng LGU Ilagan sa pagsasaayos ng kanilang prangkisa sa LTFRB maliban pa sa mga natanggap nilang ayuda sa kasagsagan ng pandemya.
Ayon kay kay GSO Officer Laggui, ito ay paraan ng kanilang lokal na pamahalaan na manumbalik ang kanilang panghanapbuhay na natengga dahil sa pagkakaroon ng COVID 19 outbreak sa lungsod.
Dagdag pa ng opisyal, nakatanggap ng isang sakong bigas at financial assistance na hindi bababa sa isang libong piso ang mga nasa mahigit na 100 Jeepney Operators at Drivers ng Lungsod na dumalo sa naturang pagpupulong.
Bukod dito ay pinangako din ni Mayor Diaz na makakatanggap ng libreng krudo araw araw sa loob ng isang linggo ang mga mayroong temporary permit to travel na mga Jeepney Drivers bilang tulong sa kanilang balik pasada.
Tiniyak naman ni PLTCol. Abella ang patuloy na pagpapatupad ng Basic Traffic Rules kasabay ng pagtalima sa COVID 19 Safety Protocols kung sakaling bumalik na ang mga ito sa pamamasada.
Samantala, muli namang nagpaalala si Mayor Diaz sa kanila na maging disiplinado sa kanilang hanapbuhay na siyang isang hakbang sa pagkamit ng Lungsod sa #LiveableCitysa2030.