Pinakamalawak na grass fire sa lunsod na tinugunan ng Cauayan City Fire Station ang nangyari pasado alas 7:00 ng gabi sa Barangay Minante Uno, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Chief Inspector Aristotle Atal ng BFP Cauayan, pasado alas 7:00 kagabi nang makatanggap ang kanilang tanggapan ng report na may malawakang grass fire ang nagaganap sa Minate 1 partikular sa isang resort na agad naman nilang tinugunan.
Aniya, nasa 4 na fire truck ang nagtungo sa lugar upang apulahin ang sunog ngunit dahil sa malaki na umano ang sunog ay tumawag pa sila ng isang dagdag na tangke.
Kaugnay dito, nahirapan umano ang kanilang fire truck na pumasok sa lugar dahil sa makitid na daan kung kaya’t nasa 8 hose ang naidugtong upang maapula ang sunog.
Ayon pa kay CINSP Atal, 3 barangay ang sinakop ng sunog na kinabibilangan ng Minante 1, Marabulig Uno at San Fermin ngunit aniya wala namang napinsala o nadamay na kabahayan rito.
Alas 11:00 ng gabi na umano nang maapula ang nasabing grass fire kung saan umabot sa halos 4 na oras ang pag apula sa apoy.
Isa ang mainit na temperatura at lakas ng hangin ang tinitignan dahilan sa mabilisang pagkalat ng apoy kung saan ikinokonsidera na ang pagsusunog sa sakahan ang pinag-ugatan nito.
Dagdag pa nito, maari namang managot sa Department of Environment and Natural Resources ang taong responsable sa pinagmulan ng sunog.
Ikinagalak naman ni CINSP Atal ang maagang pagtawag sa kanilang tanggapan upang apulahin ang nasabing grass fire.