15 barangay sa Sorsogon nakatanggap ng P20M anti-NPA Barangay Development Program projects

SORSOGON CITY – Kabuuang 15 na barangay sa Sorsogon ang makatatanggap ng P20M halaga ng mga development projects bilang bahagi ng programa ng pambansang pamahalaan na matuldukan na ang impluwensya ng mga rebeldeng komunista sa malalayo at hindi pa maunlad na lugar sa bansa.

Sinabi ni National Security Adviser at Vice Chairman ng NTF-ELCAC Hermogenes Esperon Jr., na ang paglilipat ng pondo sa pamamagitan ng Barangay Develoipment Program (BDP) ay minarkahan ng pagsagawa ng groundbreaking ceremony ng isa sa mga programang pangkaunlaran sa bayan ng Casiguran noong Huwebes, Hunyo 24.

Ang Brgy San Pascual at Sta Cruz sa nasabing bayan ay naging benepisyaryo ng BDP.

Para sa Brgy Sta Cruz ay ang P10M halaga ng access road na kinabibilangan ng dalawang local access road na nagkakahalaga ng P3M bawat isa, electrification project na nagkakahalaga ng P1M, P1M din na expansion ng water supply at pagpapatayo ng health station at pagbili ng basic medicines na nagkakahalaga ng P2M.

Sa Brgy San Pascual naman, ang BDP ay construction ng road projects.

Ayon pa kay Esperon, bukod sa 15 barangay sa Sorsogon, ay may 26 pa na barangay sa Masbate at 8 barangay sa Camarines Norte ang inaasahan makatatanggap din ng parehong pondo sa taong ito habang 282 na barangay sa rehiyon ang tatanggap ng parehong proyekto na ipapatupad sa taong 2022.

Paliwanag pa ng opisyal na batay sa programa ng BDP, ang mga barangay lamang na dating nasa ilalim ng impluwensya ng CPP-NPA ang may karapatan para sa proyektong pangkaunlaran, kasama na dito ang mga barangay na dating pinagkutaan ng mga rebelde at nagsilbing NPA Guerilla Base.

PHOTOS: SPIO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *