CAMARINES NORTE- Hindi na naisalba pa ang buhay ng isang 14 anyos na babae ng sikapin pa itong gamutin dulot ng natamong malubhang pinsala sa katawan matapos na masagasaan nitong Hulyo 8, 2021 bandang alas 12:00 ng tanghali sa National Highway, Purok 4, Barangay Daguit, Labo, Camarines Norte.
Ang biktima ay nakilalang si alyas “Lyn”, residente ng Purok 3, Barangay Daguit, ng nabanggit na bayan
Namatay ang biktima matapos na masagasaan ng isang puting Toyota Hi-Lux na minamaneho ni Vincent Joseph Pantua Y Villa, residente ng PNP Village, Barangay Dogongan, Daet, Camarines Norte
Ayon sa imbestigasyon, habang binabaybay ng driver ang daan mula sa Sta. Elena papuntang bayan ng Talisay at ng makarating sa lugar ng aksidente ay bigla umanong tumawid ang biktima sa kalsada at aksidenteng nabangga ng nasabing sasakyan.
Ang biktima ay nagtamo ng malubhang pinsala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan kung saan dinala ito at ang driver ng Toyota Hi- Lux sa Talobatib District Hospital para sa agarang lunas medikal ngunit pagkatapos gamutin ang biktima, ito ay binawian din ng buhay at idineklarang patay ng sumuring doktor.
Ang driver at ang sasakyan nito ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Labo MPS para sa kaukulang disposisyon.

