13-anyos na dalagita na umakyat sa bubong ng bahay at pinagsuspetsahang magnanakaw, nabaril

Nagtamo ng tama ng bala ng baril ang isang 13-anyos na dalagita na umakyat sa bubong ng bahay makaraang paputukan siya ng suspek sa Brgy. Samonte, Quezon, Isabela.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMaj. Roberto Valiente, ang hepe ng PNP Quezon, ang suspek ay kinilalang si Zacarias Sadoy, 73-anyos at residente sa nabanggit na lugar.

Ayon kay PMaj. Valiente batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa suspek, bandang alas-2:30 ng madaling araw noong July 1 habang natutulog ay nakarinig umano siya ng mga yapak sa bubong ng kanilang bahay.

Aniya, bago pa ang naturang insidente ay nanakawan na siya ng cellphone sa kanilang kusina noong nakaraang buwan.

Read More:  Doctor robbed by riding-in-tandem suspects in Bacolod

Sa pag-aakalang ang naririnig na mga yapak sa bubong ay ang salarin ay lumabas sa bahay dala ang kaniyang kalibre 38 na baril.

Nagulat na lamang umano siya nang makita ang isang tao na nasa bubungan kaya’t nag-warning shot ng dalawang beses.

Nang tumayo umano ang naturang tao ay doon na niya binaril sa pag-aakalang may dala ring baril ito.

Pagdating sa lugar ng kapulisan ay dito napag-alaman na isang dalagita ang nabaril at duguan ang katawan.

Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa tiyan ang biktima na agad namang dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas.

Sinabi pa ni PMaj. Valiente na nakuha sa lugar ang bag na may lamang kutsilyo at gwantes na dala ng biktima.

Read More:  Caretaker dies after stabbing incident in San Vicente, Palawan

Sa ngayon ay nasa stable nang kalagayan ang biktima na sumailalim sa operasyon.

Hindi pa naman umano malaman ang dahilan ng mga magulang ng dalagita na residente rin sa nasabing barangay kung paano siya naroon sa bubong at kung ano ang ginagawa roon.

Kaugnay nito ay nagsasagawa pa ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya.

Samantala, nasa pangangalaga na ng PNP Quezon si Sadoy na posibleng maharap sa kasong frustrated homicide.

Pinayuhan naman ni PMaj. Valiente ang mga magulang na pagtuunan ng pansin ang kanilang mga anak lalo na ang mga menor de edad upang mamonitor ang ginagawa ng mga ito.