Pumirma ang mga ahensya ng gobyerno at grupo ng mga negosyo sa isang kasunduan na lilikha ng 1-milyong trabaho ngayong taon para matulungan ang ekonomiya na makabawi mula sa epekto ng pandemya.
Binuo ng gobyerno at ng grupo ng mga negosyo ang kanilang partnership na tinawag bilang, “Reform, Rebound, Recover: One Million Jobs for 2021” project sa isinagawang closing ceremonies ng 42nd National Conference of Employers (NCE).
Layon ng proyekto na bigyan ng trabaho ang mga Filipino talents sa mga sektor ng konstruksyon, manufacturing partikular na sa semiconductors at electronics, tourism and hospitality, at export industries.

Sa ilalim ng proyekto ay magiging responsable ang mga negosyo sa pagtukoy sa mga job vacancies mula sa kanilang member-companies.
Makikipagtulungan rin sila sa National Employment Recovery Strategy (NERS) task force ng gobyerno.
Samantala, kailangan naman ng NERS task force na makipag-ugnayan sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para mabakunahan ang mga kwalipikadong empleyado.
Naniniwala naman si Trade Secretary Ramon Lopez, na chair ng NERS task force, na kakayanin ng proyekto na lumikha ng 1-milyong trabaho ngayong taon.