Matagumpay na ipinagdiwang ng Provincial Government ng Isabela (PGI) katuwang ang Provincial Youth Development Office (PYDO), Council NAGKAISA at ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation ang Isabela Youth Day kamakailan sa Isabela Provincial Capitol.
Dinaluhan ito ng iba’t ibang mga kabataang lider sa buong lalawigan kung saan nagkaroon sila ng iba’t ibang mga aktibidad katulad ng Acoustic Battle, HipHop Dance Competition, Mobile Legends Tournament, Basketball, Volleyball, at laro ng lahi.
Sa naging panayam ng Brigada News Team kay PYDO OIC Rey Mel Resposo, challenging aniya ang pagdiriwang ng Buwan ng Kabataan ngayong taon sapagkat ito na ang hudyat ng pagbabalik ng mga aktibidad.
Pinasalamatan din ni OIC Rey Mel ang lahat ng kabataang dumalo at hinamon niya ang mga ito na pag-igihan pa ang kanilang partisipasyon sa mga ganitong kaganapan.
Umaasa din aniya siya na nakatulong ang mga ito hindi lang sa pagpapaunlad sa pampersonal na aspeto ng mga kabataan kundi maging sa mga organisasyong kanilang kinabibilangan.
Bukas, August 29, ay naktakda naman ang panel interview ng mga finalist sa 3rd Gov. Rodito T. Albano III Gawad Ulirang Kabataan 2023: Pagkilala sa mga natatanging organisayon ng Kabataang Isabeleño.