Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang isang binata matapos umanong patayin ang ina ng kaniyang menor de edad na kasintahan.
Sinampahan na kasong consented abduction of a minor, at robbery with homicide ang suspek na kinilalang si alyas “Karl”.
Ayon sa report, nakasikubre ang bangkay ni Floradel Ocap De Mesa, 39-anyos sa kanilang bahay sa Purok 8, Sampaguita Site, San Luis, Baguio City kung saan mayroong nakitaan ito ng apat na saksak at anim na sugat.
Ligtas naman ang kaniyang tatlong taong gulang na kapatid na natagpuang natutulog sa tabi ng nasawi.
Samantala, pinaniniwalaan na sapilitang kinuha ng suspek ang menor-de-edad nitong kasintahan maging ang P125,000 na inutang pa ni Floradel para sa operasyon ng asawang nasa hospital.
Natunton naman ng mga otoridad ang nire-rentahang kwarto ng suspek sa Tumauini, Isabela kung saan ito naaresto.
Natagpuan din sa nasabing lugar ang dalagitang anak ng biktima at ibinigay nito sa pulisya ang 1-inch knife na pagmamay-ari ng suspek na pinaniniwalaang ginamit nito sa karumal-dumal na krimen.
Sa kasalukuyan, nakakulong na sa Baguio City Jail ang suspek habang nasa kustodiya naman ng City Social Welfare and Development Office ang dalagita.
