Bumuo ng technical working group si PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. para pag-aralan ang win-win solution sa panukalang reporma sa ilalim ng Military and Uniformed Personnel pension system.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PBGen. Redrico Maranan, ang pagbuo ng TWG ay para gumawa ng counter proposal sa Department of Finance na magiging katanggap-tanggap sa kanilang hanay.
Tuloy-tuloy din daw ang kanilang dialogue sa panukala hanggang sa pinakamababang ranggo at pinakamaliit na police station sa bansa upang malaman ang damdamin ng mga ito sa ipatutupad na reporma sa MUP.
Ilan kasi sa mga ito ang may agam-agam na mababawasan ang kanilang pension at magkakaroon ng substantial decline sa kanilang take home pay.
Batay sa datos ng PNP, mayroong 1,793 personnel ang nag-avail ng optional retirement ngayong taon, habang 2,449 personnel ang nagretiro noong nakaraang taon.
Itinutulak ng administrasyon na ireporma ang MUP pension system sa pamamagitan ng pag-alis sa automatic indexation sa hanay ng mga pensiyonado at imposisyon at pagpapataw sa mandatory contributions sa lahat ng aktibo at bagong MUP entrants.
Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, ang pensyon para sa retiradong MUPs ay “fully funded” ng national government. Ito’y automatically indexed rin sa karaniwang sahod ng mga incumbent personnel na may kahalintulad na ranggo.
