Zero fire incident sa Undas target ng BFP sa Camarines Norte

CAMARINES NORTE- Target ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang zero fire incident sa pagunita ng Undas ngayong taon.

Kaya bago pa man ang kaabalahan ng mga tao na maagang nagtutungo sa mga sementeryo bago ang pansamantalang pagsasara nito simula bukas, October 29 hanggang November 2, ay nagpalabas ng mga paalala ang BFP para sa ligtas na pagunita ng Undas.

Kabilang sa mga paalalang ito ay huwag magsindi ng kandila ng malapit sa bintana o kurtina.

Kung magsisindi ng kandila ay ipatong ito sa ibabaw ng lamesa sa loob ng palanggana na may lamang tubig.

Ilayo sa mga bata ang kandila, posporo, lighter, lampara at iba pang mga kagamitang posibleng magliyab.

Kung aalis ng bahay para magtungo sa sementeryo ay patayin ang nakasinding kandila at palaging tanggalin ang mga nakasaksak na electrical appliances.

Huwag kalimutan at ugaliin ang tamang pagsuot ng face mask at face shield kung lalabas ng bahay at palagiang maghugas at mag sanitize ng kamay.

Batay sa datos ng operation section ng BFP Provincial Office, 15 ang naitalang sunog noong Oktubre at Nobyembre noong nakaraang taon.

Ang apat na naitalang sunog noong Oktubre 2020 ay dahilan sa open flame sa posporo, kitchen, nag overheat na appliances at pagluluto gamit ang uling.

Kaya naman paalala ng ahensiya na bantayan ang mga niluluto at isara ang valve ng LPG pagkatapos gamitin.

Ang 11 naitalang sunog naman noong Nobyembre 2020 ay open flame, pagkokopra, loosed connection, gasera, rubbish fire, electrical wire, kandila at post fire na halos lahat ay residential.

Nilinaw naman ng BFP na bagamat nangyari ang sunog sa loob ng panahong nabanggit ay hindi umano ito maituturing na Undas related.

Nagkataong nangyari lang umano ang mga ito sa panahong ipinagdiriwang ang Undas.

Tulad ngayong taon, sarado din ang mga sementeryo noong 2020 dahil sa banta ng COVID- 19.

Pero kahit walang malakihang pagtitipon ngayong taon sa pagunita ng Undas ay nagsagawa pa rin ng Fire Safety Inspection ang mga kagawad ng BFP sa mga sementeryo at maging sa simbahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *