WHO, inaprubahan ang COVID-19 vaccine ng Sinovac Biotech para sa emergency use listing

Inaprubahan ng World Health Organization (WHO) ang COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac Biotech para sa emergency us listing, na nagbigay daan sa ikalawang Chinese shot na maaring magamit sa mga mahihirap na bansa.

Ang WHO emergency listing ay nagsisilbi bilang signal sa mga national regulators na sumusuri sa kaligtasan at efficacy ng isang produkto, habang pinapayagan rin nito na maisama ang Sinovac shot sa COVAX, na isang global program na namamahagi ng mga bakuna sa mga mahihirap na bansa, na nahaharap sa problema sa suplay dahil sa pagpigil sa Indian exports.

Sinabi ng independent panel of experts ng WHO sa isang pahayag na inirekomenda nito ang Sinovac vaccine para sa adults na higit sa 18-anyos ang edad.

Wala naman itong upper age limit, dahil base sa datos ng bakuna, ay kaya nito magbigay ng proteksyon sa mga matatanda.

Ginawa ng WHO technical advisory group ang desisyon matapos ang pag-review nito sa pinakahuling clinical data sa safety at efficacy ng Sinovac at maging sa manufacturing practices ng kompanya.

Winelcome naman ni WHO Director-General Tedros Adhaom Ghebreyesus ang naturang hakbang, at sinabi na ligtas at epektibo ang bakuna sa kabila ng madaling storage requirements nito, na nababagay para sa mga low-income countries.

Samantala, base sa datos ng Johns Hopkins University ay pumalo na sa mahigit 170.8-million ang bilang ng mga naitalang COVID-19 cases sa buong mundo kabilang na ang mahigit 3.5-million na nasawi.