Naghain si Senador Leila de Lima ng resolusyon para paimbestigahan sa Senado ang mga naging “significant gains, shortcomings, at accountabilities” ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersyal na anti-drug campaign nito.
Sa resolusyon ay sinabi ni de Lima na wala pang naitatalang notable achievements sa pag-neutralize ng mga sindikato ng ilegal na droga sa ilalim ng drug war ni Pangulong Duterte, sa kabila ng nakukuha nitong bilyon-bilyong piso ng intelligence funds.
Anya, tanging ang mga low-level drug peddlers lamang ang nagiging target ng war on drugs.

Binigyang diin ni de Lima na ngayong malapit nang matapos ang termino ng administrasyon, ay kailangan ng Senado na isailalim sa ebalwasyon nito ang mga resulta at performance ng isa sa mga centerpiece programs ng gobyerno.
Ipinunto ng senadora na hindi lamang ito para maditermina kung naging epektibo ba ang programa, kungdi mapanagot na rin ang mga gumamit sa nasabing kampanya para pagtakpan ang korapsyon at pang-aabuso.
Mabanggit rin ng nakakulong na senadora na hindi pa nahuhuli ng gobyerno ang negosyante na si Peter Lim, na tinuturong isa sa mga pinakamalaking drug dealers.
Sa ngayon ay nasa ilalim na ng INTERPOL watchlist si Lim, na may P500,000 na patong sa ulo at arrest warrant na inihain ng Makati City court dahil sa kasong conspiracy to commit illegal drug trading.