Hinimok ng ilang senador ang gobyerno na gumawa ng aksyon laban sa China matapos mapaulat na nagpapakawala ito ng human waste sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Senadora Grace Poe na ang napaulat na aktibidad ng China ay nakakagalit at nakakadiri.
Iginiit ni Poe na dagdag insulto ito sa soberanya ng Pilipinas at sa mga kabuhayan na nakadipende sa likas na yaman sa karagatan.
Binigyang diin ni Poe na hindi gawain ng isang matinong kapitbahay ay ginawa ng China.
Dagdag ng senadora, hindi nagsisilbi bilang dumping site ng kahit anong bansa ang Pilipinas.

Inihayag ni Poe na ang pagtrato ng China sa Pilipinas na parang isang kubeta ay malinaw na paglabag sa parehong international at local environmental laws.
Ipinunto ni Poe ang Stockholm Declaration na nagre-require sa lahat ng estado na gumawa ng mga posibleng hakbang para maiwasan na ma-pollute ang mga katubigan ng nakakalasong mga substances na maaring maging delikado para sa kalusugan ng mga tao, sa marine life, at sa iba pang living sources.