Nanindigan si Vice President Sara Duterte na totoong may nilulutong impeachment sa Kamara laban sa kanya.
Sa pagharap ni VP Sara sa budget briefing ng Office of the Vice President sa House Committee on Appropriations, iginiit nitong ilang buwan nang pinag-uusapan ang impeachment na mapatutunayan sa panayam sa isang miyembro ng Kongreso.
Dito ay binanggit aniya ang mga posibleng paglabag ng OVP sa paggamit sa 125 million pesos na confidential fund na wala umano sa 2022 General Appropriations Act.
Punto ng pangalawang pangulo, sa kabila ng kawalan umano ng matibay na ebidensya na may mali sa paggastos ay ibinunyag na agad ng naturang kongresista ang grounds for impeachment kabilang ang “misuse of public funds and technical malversation” at paglabag sa 1987 Constitution.
Pero nilinaw ni Duterte na bilang isang kaibigan ay hindi niya pa rin isasapubliko ang ilang miyembro ng Kamara na may “recorded conversations” at lumahok sa usapan ukol sa impeachment proceedings laban sa kanya.