Naghain ng withdrawal sa kanyang kandidatura para sa pagka-bise alkalde ang isang aspirant sa lunsod ng Cauayan kasabay ng pagtatapos ng substitution kahapon, November 15, 2021.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, ang Election Officer ng COMELEC Cauayan, iniurong ni Mr. Danilo Visaya na miyembro ng Progressive Movement For The Devolution of Initiatives o PROMDI ang kaniyang kandidatura subalit walang humalili sa kaniya.
Batay sa kanilang datos, mayroon na aniyang tatlong nagwithdraw at dalawang substitute sa kanilang talaan.
Aniya, dalawa ang maglalaban sa pagka-Mayor, unopposed naman sa Bise-Mayor at 17 sa pagkakonsehal.
Nasa website na ng COMELEC aniya ang mga pangalan ng mga aspirant na tatakbo sa 2022 national at local elections.
Samantala, sa ngayon ay abala aniya ang kanilang tanggapan sa pagsasapinal sa listahan ng registered voters na inaasahang matatapos ngayong December 15, 2021 upang malaman kung ilan ang boboto sa lunsod at maihanda para sa printing ng official ballots sa susunod na taon.